
NAKARANAS na ba kayo na masangkot sa bangayan o away-trapiko? Iyong tipong gigil na gigil ka sa motoristang sumingit, nakagitgitan at nakabanggaan mo. Papaano ka nag-react sa isang driver na nang-agaw ng iyong parking slot at sa pedestrian na biglaang tumawid? Napigil mo rin ba ang iyong emosyon lalo noong makita mong may gasgas o sira ang iyong iniingatang sasakyan?
Kamakailan lamang ay nagkaroon ng ganitong senaryo sa kahabaan ng Marcos Highway sa Antipolo, Rizal na kinasangkutan ng mag-amang nakamotor at driver ng SUV.
Nagkaroon ng ito ng komprontasyon at maiinitang pagtatalo hanggang humantong sa suntukan at barilan na ikinasugat ng tatlong katao at ikinamatay naman ng isa. Ang puno’t dulo diumano ay gitgitan sa kalye.
Ibabase natin ang ating obserbasyon sa mga posted video ng mga netizen na nag-viral sa social media.
Mapapansin natin na parehong may kakulangan ang dalawang motorcycle rider at driver ng SUV sa pagsunod sa batas-trapiko. Parehong may overspeeding sa blind curve, kapwa may overtaking violations lalo na sa uphill (paakyat) at pagsuway sa braking distance o tinatawag na 3-second rule. Siyempre, tanging deputized traffic enforcer lamang ang maaaring magbigay ng citation ticket sa kanila. Tinawag nating “camote” yung SUV driver at yung usual na “kamote” para naman sa pasaway na rider.
Sa safety and health view, parehong may unsafe act ang magkabilang panig sa pagmamaneho at nadagdagan pa ito ng violence and aggression.
Sa road rage dear readers, walang nananalo. Malaki po ang likelihood na may magkakasakitan at literal na madamay ang pamilya katulad na lamang ng stray bullet na tumama sa asawa ng SUV driver. Paano kung may tinamaan pang ibang kaanak at mga miron?
Kapag nagmamaneho, laging maging kalmado, pasensyoso at mapagpakumbaba. Kontrolin ang emosyon at huwag palakihin ang anomang problema. May batas, proseso at awtoridad para maging maayos at masolusyunan ang anomang gusot na kakaharapin sa daan.
Huwag sayangin ang pagkakataon na piliin ang tamang desisyon. Sumunod lagi sa batas-trapiko para hindi tayo matawag na “sweet potato” at maiwasan ang road rage.