MANILA, Philippines- Isang Person Under Police Custody (PUPC) sugatan makaraang nagsuntukan ang tatlong preso sa loob ng kulungan sa Gen. Trias City, Cavite.
Kasalukuyang ginagamot Gen. Trias Medicare Hospital ang biktima na si alyas Marjhun, 30, isang PUPC ng nasabing custodial facility dahil sa tinamong sugat mula sa dalawang PUPC na sina alyas Vyron at alyas Rowel.
Ayon sa report, bandang alas-9:15 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng pasilidad sa Brgy. Bagumbayan ng naturang lungsod kung saan bagong pasok umano sa kulungan ang biktima.
Napag-alaman na habang nasa loob ng kulungan, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang bagong pasok na PUPC na si Marjhun sa dalawa pang preso na sina alyas Vyron at alyas Rowel na nauwi sa suntukan at pagkakasugat sa mukha at ulo ng una.
Natigil ito nang awatin ng mga duty jailer habang si Marhun ay isinugod sa ospital. Margie Bautista