Home NATIONWIDE Alegasyong may ‘blank pages and figures’ sa 2025 GAA pinalagan ng DBM

Alegasyong may ‘blank pages and figures’ sa 2025 GAA pinalagan ng DBM

MANILA, Philippines- Umapela ang Department of Budget and Management (DBM) sa publiko na iwasan na magpakalat ng fake news, maling impormasyon hinggil sa umano’y pagkakaroon ng “blank pages and figures” sa 2025 General Appropriations Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon.

Sinabi ng DBM na ang komunikasyon ay makapangyarihang sandata na maaaring maging “make o break” ng bansa.

“Let us use it to promote unity and understanding, and not to sow discord, hatred, and division,” ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman.

Sa kabilang dako, mariing pinabulaanan ng kalihim ang kumakalat na akusasyon na nagsasabing ang FY 2025 GAA na tinintahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ay naglalaman ng “blank pages o figures.”

Ang alegasyong ito aniya ay “completely false and reckless.”

“What has been presented by certain misinformed individuals are pages from the Bicameral Conference (Bicam) Committee Report, and NOT the General Appropriations Bill (GAB) nor the GAA,” ayon pa rin kay Pangandaman.

Dapat pa rin aniyang tandaan na sa ilalim ng 1987 Constitution, ang batas na GAB, at hindi ang Bicam Report, ang opisyal na isinumite para sa konsiderasyon at pag-apruba o pag-veto ng Pangulo.

“It is the GAB, with all its details, that is controlling, and is presented to the President. Once signed, the GAB becomes the Law— the GAA,” dagdag na wika nito.

Inulit ng Kalihim na ang batas na iprinisenta at pinirmahan ni Pangulong Marcos ay isang “kumpletong dokumento,” walang blangkong pahina o nawawalang detalye.

“In no case does the Executive issue a GAA with blank pages or figures,” giit ng DBM.

Kaya nga hinikayat ng DBM ang mga mamamayang Pilipino na maging maingat at beripikahin muna ang impormasyon bago gumawa at magpakalat ng alegasyon.

“Clear and accurate understanding is critical for constructive dialogue. After all, we are one nation,” ang sinabi Pangandaman. Kris Jose