Home HOME BANNER STORY 3 Pinoy arestado sa Tsina sa ‘pag-eespiya’  

3 Pinoy arestado sa Tsina sa ‘pag-eespiya’  

MANILA, Philippines- Kinumpirma ng China nitong Huwebes na naaresto nito ang tatlong Pilipino matapos silang akusahan ng pag-eespiya para sa Philippine intelligence agency.

Sinabi ni Guo Jiakun, tagapagsalita para sa China’s Foreign Ministry, sa isang press conference na ang pag-aresto sa mga nasabing indibidwal, na kinumpirma ng Chinese embassy sa Manila na residente ng Palawan, ay kasunod ng paggawa umano ng Pilipinas ng “series of so-called Chinese spy cases.”

Hindi inihayag ni Guo at ng embahada ang pagkakakilanlan ng mga nadakip na Pilipino. Subalit, base sa state-run media ng China na Global Times, kinilala sila bilang sina David Servanez, Albert Endencia at Nathalie Plizardo.

Si Servanez, ayon sa Global Times, ay matagal nang residente ng China. Idinitine siya matapos matuklasang tumitigil malapit sa military facilities, dahilan upang maghinala umano ang Chinese authorities.

Nagtatrabaho naman umano sina Endencia at Plizardo kasama ni Servanez bilang miyembro ng “Philippine intelligence service,” dagdag ng Chinese media.

Nitong Marso, iniulat ng provincial government ng Palawan na tatlo sa mga residente nito ang nadakip ng Chinese authorities noong Disyembro ng nakaraang taon dahil sa umano’y espionage.

Batay kay Palawan provincial government board member Ryan Maminta, dalawa sa mga nahuli ay dating scholars ng Hainan Government Scholarship Program sa China.

Bahagi ang programa ng sisterhood agreement sa pagitan ng Hainan at Palawan na ikinasa upang magbigay ng scholarships sa 50 Palaweños sa Hainan Normal University mula 2018 hanggang 2022.

Nakabalik sa Pilipinas ang mga nasabing indibidwal matapos ang programa, subalit bumalik umano sa China at nawalan na ng komunikasyon sa kanilang pamilya sa Pilipinas.

Kinumpirma ng Chinese embassy sa Manila na sila ang mga indibdiwal na tinutukoy ni Guo nang beripikahin niya nitong Huwebes na ikinulong ng Beijing ang tatlong umano’y mga espiya.

“China urges the Philippines to stop shadow-chasing and making false accusations, handle the cases concerning Chinese citizens in a just manner and in accordance with the law, and effectively protect the lawful rights and interests of Chinese citizens in the Philippines,” giit ni Guo. RNT/SA