Home HOME BANNER STORY 3 Pinoy bahagyang sugatan sa Taiwan quake – DMW

3 Pinoy bahagyang sugatan sa Taiwan quake – DMW

MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Leo Cacdac na tatlong Pinoy ang nagtamo ng minor injuries kasunod ng magnitude 7.2 na lindol na yumanig sa Taiwan.

Sa isang radio interview, sinabi ni Cacdac na isa sa mga Pinoy ang nagtamo ng minor head injury dahil sa gumuhong kisame, isa pa ang may sugat sa kamay habang lumilikas, at isa pa ang nahimatay sa lindol.

“All of them are okay, minor ang kanilang natamong injuries. ‘Yung dalawa nakalabas na sa ospital,” ani Cacdac.

Hindi bababa sa siyam na tao ang namatay at mahigit isang libo pa ang nasugatan dahil sa lindol na pinakamalakas na tumama sa Taiwan sa loob ng 25 taon.

Sinabi ng departamento ng bumbero ng Taiwan na ang bilang ng mga nasugatan ay umabot sa 1,038, at inilagay ang kabuuang bilang ng mga nawawala sa 48, kabilang ang 42 mga manggagawa sa hotel.

Sinabi pa ni Cacdac na makakatanggap ng tulong pinansyal mula sa gobyerno ang mga nasugatang Pilipino. Aniya, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang DMW sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan para sa pamamahagi ng ayuda.

Mahigit 159,000 Pilipino ang kasalukuyang naninirahan sa Taiwan. Sinabi ni Cacdac na humigit-kumulang 65% sa kanila ay mga factory worker na naninirahan sa mga dormitoryo, habang ang natitirang 35% ay nagtatrabaho sa mga kabahayan bilang caretakers.

Sinabi rin ng opisyal ng DMW na wala pang Pilipinong humingi ng tulong para makauwi pagkatapos ng lindol. RNT