MANILA, Philippines- Ibinahagi ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na ipade-deport nila ang tatlo pang South Korean fugitive na inaresto nitong Setyembre ng mga operatiba ng ahensya sa Pampanga at Rizal.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang mga Koreano ay inaresto noong Setyembre 14 at Setyembre 19 sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng fugitive search unit (FSU) ng bureau.
Sinabi ni Viado na ibabalik ang mga Koreano sa Seoul sa sandaling maglabas ng utos ang BI board of commissioners para sa kanilang summary deportation.
“They have been placed in our blacklist of undesirable aliens, thus they are perpetually banned from re-entering the Philippines for being undesirable aliens,” ani Viado.
Nabatid sa BI na inaresto noong Setyembre 14 sa isang tirahan sa kahabaan ng Pandan-Tabun Road, Angeles City, Pampanga si Kim Hyungju, 45, na wanted sa Korea dahil sa telecommunications fraud.
Ang isang warrant para sa pag-aresto sa kanya ay inilabas ng korte ng Korea kung saan siya ay inakusahan na miyembro ng voice phishing syndicate na umano’y nanloko sa mga biktima nito ng higit sa 100 milyong won, o higit sa US$74,000.
Inaresto rin sa parehong araw sa Walking Street, Angeles City si Oh Suhong, 46, na pinaghahanap dahil sa pagpapatakbo ng isang ilegal na site ng pasugalan sa internet.
Naglabas ng warrant ang korte sa Korea para sa pag-aresto sa kanya matapos siyang kasuhan dahil sa paglabag sa game industry promotion act ng kanyang bansa.
Inakusahan ng mga awtoridad na noong 2021 ay ilegal na nakakuha si Oh ng 40 unit ng game console na na-install niya para sa online na pagtaya ng kanyang mga customer.
Noong Setyembre 19, inaresto ang mga operatiba ng BI-FSU sa isang Executive Village sa Taytay, Rizal na si Kim Hyojoong, 44, na pinaghahanap dahil sa panloloko.
Kumita umano si Kim ng 73 milyong won mula sa 23 biktima na kanyang nalinlang sa pamamagitan ng pangakong ipoproseso ang kanilang mga visa habang siya ay nagtatrabaho sa Canada immigration support center sa Seoul.
Iniulat din ng Korean national police agency na si Kim ay napapailalim sa mga kriminal na reklamo para sa blackmail at kidnapping.
Ang tatlong Koreano, na binawi ang mga pasaporte, ay kasalukuyang nakakulong sa BI custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang deportasyon. JAY Reyes