Home NATIONWIDE Suspended Mandaue mayor naghain ng COC para sa reelection

Suspended Mandaue mayor naghain ng COC para sa reelection

MANILA, Philippines – Naghain ng kanyang certificate of candidacy para sa reelection si suspended Mandaue City mayor Jonas Cortes nitong Biyernes, Oktubre 4, 2024.

Sa ulat, naghain ng COC si Cortes alas-8 ng umaga kasama ang kanyang pamilya.

Matatandaang ipinag-utos ng Ombudsman ang pagkakasibak sa serbisyo ni Cortes matapos itong makitang guilty sa grave misconduct.

Ang desisyon noong Setyembre 26, 2024 ay batay sa reklamong inihain noong Oktubre 17, 2022 ng mga residente ng Mandaue City na sina Ines Corbo Necesario at Julia Narte sa aksyon ng mayor na patuloy na operasyon ng SUPREA Philippines Development Corporation, isang batching plant ng concrete mix cement na matatagpuan sa Sitio San Jose 1, Circumferential Road, Barangay Labogon, Mandaue City noong 2020 hanggang 2022 sa kabila ng kakulangan ng business permit, sanitary permit at environmental clearance.

Nagdulot ang operasyon ng planta ng banta sa kalusugan at pagkagambala sa mga residente.

Sa kabila nito, tumanggi si Cortes na mag-isyu ng cease-and-desist order laban sa firm at pinayagan ang pagpapatuloy ng operasyon ng batching plant.

“…the regulation and monitoring of the operation of SUPREA involved the very functions that respondent ought to discharge by virtue of his office. He has a duty to act, but he deliberately chose not to act,” saad sa desisyon.

“Such misconduct is clearly demonstrated when respondent (Cortes) allowed its operation in 2020 until 2022 without business permit and the required sanitary permit and environmental clearance, and refused to immediately act on the recommendations of the MCENRO (Mandaue City Environment and Natural Resources Office) as early as 2020.”

Sa pahayag na inilathala sa social media account, sinabi ni Cortes na ang desisyon “comes as no surprise,” at sinabing siya ay “exhaust every legal remedy to fight this battle.” RNT/JGC