Home NATIONWIDE PBBM nagpalabas ng EO na magpapalakas ng film industry sa Pinas

PBBM nagpalabas ng EO na magpapalakas ng film industry sa Pinas

MANILA, Philippines- Nagpalabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Executive Order (EO) No. 70 na naglalayong pasiglahin ang film industry sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalakas sa Film Academy of the Philippines (FAP).

Tinintahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na may pahintulot ni Pangulong Marcos ang naturang kautusan nito lamang Oktubre 2.

Sa kanyang EO, tinukoy ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na pasiglahin at palakasin ang kakayahan ng FAP para ayusin ang film sector ng bansa.

“It is necessary to strengthen the FAP and further define its duties and functions to complement the programs, activities, and projects of existing government bodies involved in the promotion and development of the Philippine film industry,” ang sinabi ng Pangulo.

Sa ilalim ng EO, ang FAP, nilikha noong 2006 sa ilalim ng Department of Education (DepEd) para sa propesyonalisasyon ng film industry, ay nasa ilalim na ngayon sa administratibong superbisyon ng Department of Trade and Industry (DTI).

Bilang bahagi ng pagsisikap ng Pangulo na pasiglahin ang film industry sa bansa, ipinag-utos ng Chief Executive sa FAP na magtatag at mag-organisa ng isang tanyag at taunang National Film Awards “that will promote, recognize, at celebrate world-class talents at outputs.’

Maaari namang makipagtulungan ang FAP sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Cultural Center of the Philippines (CCP), at iba pang kaugnay na ahensya sa bagay na ito.

Maaari rin na makipagtulungan ang FAP sa DepED, TESD, FDCP, Commission on Higher Education (CHED), Philippine Creative Industries Development Council, pribadong sektor, o akademiya para makapagbigay ng mga programa, pagsasanay at iba pang uri ng suporta tungo sa kapakanan at propesyonalisasyon ng mga Filipino film workers.

Samantala, base sa EO, pinapayagan ang FAP na tumanggap ng donasyon, kontribusyon, grants, bequests, o regalo mula sa domestic at foreign sources na may kaugnayan sa mga layunin sa mandato nito.

Samantala, tatayong chairman ng FAP board ang director-general at magiging co-chair naman ang DTI Secretary.

Kabilang naman sa mga magiging miyembro nito ay ang mga kinatawan mula sa Office of the President, Department of Labor and Employment (DOLE) secretary, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) director-general, National Commission for Culture and the Arts (NCCA) chair, Film Development Council of the Philippines (FDCP) chair, dalawang kinatawan mula sa pribadong sektor.

Ang chaiperson ay itatalaga ng Pangulo at mayroong ranggo na Undersecretary. Ang chair ay dapat na may taglay na technical at creative expertise sa iba’t ibang larangan ng motion picture arts at sciences. Kris Jose