MANILA, Philippines- Tatlong pulis ng Caloocan City Police Station (CPS) ang arestado nitong Sabado dahil sa umano’y pangingikil ng “visitation fees” mula sa mga pamilya ng detainees, ayon sa Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ng Philippine National Police (PNP).
Hindi na inilahad ang pagkakakilanlan ng mga pulis sa ulat, alinsunod sa Data Privacy Act.
Subalit ayon sa ulat ng IMEG nitong Linggo, sa tatlong naaresto, kabilang dito ang isang police major na nagsilbing custodial supervisor at dalawang custodial officers — isang master sergeant at isang patrolman.
Nasakote sila ng mga kabaro sa isang entrapment operation dakong alas-4:15 ng hapon.
Batay sa ulat, sinabi ng complainants, na humingi umano ang mga pulis na minimum na P1,500 bilang bayad sa pagbisita nila sa kanilang mahal sa buhay.
Saklaw umano ng P1,500 ang P200 entrance fee para sa mga kaanak, P550 bayad sa waiting area, at P100 mandatory food para sa PUPC (persons under PNP custody).
“The said amount is being received by their trusted civilian cohort (jail mayor), while inside the CPS in the presence of Caloocan CPS Personnel,” saad sa ulat.
Nakumpiska ng mga pulis ang mahigit P4,000 pera mula sa mga suspek.
Dinala ang Caloocan police officers at mga ebidensya sa IMEG headquarters sa Camp Crame City para sa wastong dokumentasyon at pagproseso. RNT/SA