MANILA, Philippines- Isinusulong ng isang mambabatas ang pqgsasampa na ng kasong kriminal laban sa China matapos madiskubre ang pakikialam nito sa 2025 midterm elections sa pamamagitan ng pagsuporta at pagpopondo sa ilang kandidato.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega hindi dapat balewalain ang “election interference” na ginagawa ng China kaya dapat na maghain ng reklamo ang mga awtoridad gayundin ay isinusulong nito ang pagkakaroon ng batas para mapigilan ang ganitong mga insidente.
“This is no longer just foreign influence. This is foreign interference—designed to infiltrate our politics, confuse our people, and weaken our country from the inside,” paliwanag ni Ortega.
Ani Ortega, sinasabi ng China na wala itong interes sa Philippine election gayunman ay malinaw na gumagamit ang China ng troll farms at nagbabayad ng malaking pondo para sa kanilang troll operations na ang target ay magpakalat ng fake news, pro-China propaganda at paninira sa administrasyon at mga miyembro ng Kongreso.
“Hindi ito simpleng online noise. This is an attack on our democracy. Binabayaran ang ating mga kababayan para siraan ang sarili nating bansa,” giit ni Ortega.
Nanawagan din ang mambabatas sa publiko na maging matalino at huwag suportahan ang mga ipinakakalat na pro-China narratives. Gail Mendoza