MANILA, Philippines- Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko hinggil sa mga nakaaalarmang kaso ng trafficking na kinasasangkutan ng mga Pinoy na ibinebenta sa pagitan ng mga sindikato ng online scam sa Cambodia matapos maakit sa pamamagitan ng pekeng overseas job offers.
Ayon sa BI, nasa apat na biktimang nasa edad 20 at 30 ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 noong Abril 19 sakay ng Philippine Airlines flight mula Phnom Penh. Isinagawa ang repatriation effort alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang tugon ng gobyerno laban sa human trafficking at upang matiyak ang kapakanan ng mga overseas Filipinos.
Batay sa imbestigasyon, ang mga biktima ay na-recruit sa pamamagitan ng Facebook job ads na nag-aalok ng mataas na sweldo bilang mga encoder at customer service staff.
Nang mapunta sila sa ibang bansa ay kinumpiska ang kanilang mga pasaporte at napilitan silang magtrabaho sa mga online fraud operation kung saan nagpapanggap sila bilang mga ahente ng FBI o romantic partners sa mga platform ng pakikipag-date para manloko ng mga dayuhan.
Nang mabigo silang maabot ang mga target, sila ay pinarusahan, pinahirapan, at kalaunan ay ibinenta o “inilipat” sa ibang mga sindikato na parang mga kalakal.
“They were treated like property—bought, sold, and abused,” ani BI Commissioner Joel Anthony Viado.
“Their stories are clear proof that these syndicates operate with no regard for human dignity. This must stop,” dagdag pa ng opisyal.
Inilarawan ng isang biktima ang 16 hanggang 20 oras na araw ng trabaho, mga banta ng detensyon, at mga pisikal na parusa. Ang isa pa ay nagsabing nakatakas lamang sila pagkatapos na ibigay sa isang bagong grupo dahil sa mahinang pagganap.
Binigyang-diin ni Viado na ang gobyerno ay agresibong kumikilos upang lansagin ang mga operasyon ng human trafficking at protektahan ang mga mahihinang Pilipino.
“We urge jobseekers to avoid illegal offers online. Always go through the Department of Migrant Workers,” babala ni Viado. JAY Reyes