MANILA, Philippines- Wala pang nakikita ang Department of Migrant Workers (DMW) na “so-called mass deportation of Filipinos” sa United States, ayon kay DMW Secretary Hans Cacdac sa Kapihan sa QC nitong Linggo.
“Sa ngayon ay hindi natin nararamdaman ang tinatawag—ang mga lumabas na mga mass deportation ng mga Pilipino. At mahusay ang ating ugnayan, of course, with the United States,” pahayag ni Cacdac bilang tugon sa tanong sa umano’y paghuli sa mga Pilipino sa US hinggil sa pagbabalik ng Trump presidency at inaasahang epekto nito.
Matatandaang sinabi ni US President Donald Trump na sisimulan niyang ipa-deport ang “millions and millions of criminal aliens.”
“Although we stand ready. Direktiba naman niyan ng ating mahal na pangulo. The president leads the diplomatic way. Bilang ating head of state siya ang nakikipag-usap sa kanyang counterpart—si Pangulong Trump sa US. But also at the same time, sa Department of Migrant Workers, may direktiba rin siyang paghandaan. Kaya mayroon tayong paghandaan naman dito sa eventuality na ito,” giit ni Cacdac.
Batay sa datos mula sa U.S. Census Bureau, tinataya ng Pew Research Center na hanggang no 2022, 4.1 milyong Filipino Americans ang naninirahan sa US. RNT/SA