Home METRO 3 QC bets inireklamo ng vote-buying

3 QC bets inireklamo ng vote-buying

MANILA, Philippines- Naghain ang isang local anti-corruption organization nitong Martes ng reklamo laban sa tatlong kandidato sa ika-apat na distrito ng Quezon City (QC), kinilalang sina dating congressman Bong Suntay at aspirants sa pagka-konsehal na sina Migs Suntay at Kiko del Mundo, dahil sa umano’y “networking-style” vote-buying scheme para sa Eleksyon 2025.

Inihain ng Quezon City Against Corruption (QCAC), sa pangunguna ng chairperson nitong si Janno Orante ang vote-buying complaint sa Commission on Elections (Comelec).

“Dito sa District 4 sa Quezon City, parang networking ang pagbili ng boto. Nakakalungkot lang kasi first time ito sa QC na ganito kalandtad, ganito kabarubal bumili ng boto,” wika ni Orante sa media briefing.

“Kami sa QCAC ay nalulungkot at hindi kami papayag na yurakan ang taga-lungsod Quezon. Tatanggalan mo ng karapatan ang isang tao na bumoto para sundin lang kung sino ang gusto mo manalo. Parang napaka-unfair naman po,” dagdag ni Orante.

Sa ilalim ng umano’y vote-buying scheme, sinabi ng QCAC na nagre-recruit ng isang indibidwal bilang pinuno na may tungkuling mag-recruit ng walo pang botante. Babayaran ang pinuno ng P1,000 kapag nakahikayat ang mga indibdiwal ng walo pang indibidwal.

Sinabi ni Orante na inihayag ng testigo na umamin umanong ibinenta ang kanyang boto at nag-recruit ng iba pang indibidwal ang kahandaan niyang tumestigo laban sa QC bets. Aniya pa, nagsumite rin ng mga ebidensya kabilang ang recruitment form at larawan ng umano’y invite para sa “patawag” o ang recruitment ng mga pinuno.

“Hindi ko na masikmura ang kalakaran ng politika. Dapat kung boboto tayo, hindi kailangan bilhin ang boto natin,” wika ng testigo.

“We hope the Comelec listens and take action immediately,” pahayag ni QCAC Chairperson Jesus Falcis III. “Mahirap ‘pag walang gagawin ang Comelec. Tuloy-tuloy ang vote-buying.”

“Absolutely no truth. Janno Orate and Jesus Falcis are both socmed (social media) people of Rillo,” wika naman ni Bong Suntay.

“Go to their Facebook pages they are used by Rillo to attack me.  The alleged witness (Angel) is Kevin Roissing, even his own siblings are ashamed of what he did,” dagdag niya. RNT/SA