MANILA, Philippines- Tatlo sa apat na hindi pa nakikilalalang salarin ang nasawi na hinihinalang akyat-bahay nang pagbabarilin matapos umanong makaengkwentro ng mga residenteng sibilyan, nitong Biyernes sa Sitio Bukal Barangay Santurisan San Antonio, Quezon.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng San Antonio Municipal Police Station, dakong alas-2:30 ng madaling araw kahapon, namataan umano ng security guard ng San Antonio Ville Subd. na si Jayrenol Cometa De Chavez ang apat na hindi nakikilalang kalalakihan na pumasok sa isang abandonadong bahay sa loob ng subdivision na mabilis nitong kinompronta.
Napag-alaman na isa sa apat na suspek ang ang nagtangka umanong bumunot ng baril, kung saan mabilis na tumakbo palayo ang nasabing security guard para humingi ng tulong sa mga taong nakikiramay sa patay na malapit sa naturang lugar, kabilang sa rumesponde ang kapatid ni Jayrenol na si Jayson na diumano ay tinutukan ng baril ng isa sa mga suspek na nasaksihan ng mga tao.
Nabatid sa ulat na nang makita ng mga suspek ang paparating na grupo ng mga sibilyan ay kaagad na tumakas ang apat na suspek sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog patungo sa madilim at madamong lugar sa Barangay Sinturisan, San Antonio, Quezon at kabilang sa tumugis sa mga suspek ang mga sibilyan at barangay tanod na humantong sa palitan ng putok na ikinasawi ng tatlo sa apat na suspek na nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan.
Samantala, kasalukuyang nagpapatrulya ang mga tauhan ng San Antonio Municipal Police Station sa Barangay San Jose at ipinagbigay-alam ni Jayrenol (security guard ) ang naganap na insidente, kung saan natagpuan ng mga awtoridad ang mga bangkay ng tatlo sa apat na hinihinalang akyat-bahay.
Kaagad na ipinag-utos ni PCol Ledon Monte, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office, sa hepe ng San Antonio Municipal Police Station na imbestigahan ang nasabing krimen hinggil sa mistulang palaisipan umanongpagkakadiskubre sa mga bangkay sa kabilang barangay na malayo umano sa pinangyarihan ng engkwentro. Ellen Apostol