MANILA, Philippines- Isang incumbent barangay chairman at retiradong pulis ang binaril ng riding-in-tandem habang tumutulong sa paglilinis kasama ang ilang miyembro ng kanyang mga barangay health workers sa Brgy. Tula A, Maragondon, Cavite.
Kinilala ang biktima na si alyas Rod, 53, barangay captain sa nasabing lugar.
Isinugod pa sa San Lorenzo Ruiz Hospital ang biktima subalit patay na ito nang dumating sa pagamutan.
Ayon sa report, dalawang lalaking suspek na magkaangkas sa motor na Honda Click ang bumaril sa kapitan.
Napag-alaman na bandang alas-7:15 kahapon ng umaga nang maganap ang krimen nang biglang sumulpot ang mga suspek lulan ng isang Honda click na motor habang kasalukuyang nagtatabas naman ng damo ang biktima katuwang ang barangay health workers sa lugar.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa naganap na krimen para sa pagkakakilanlan ng mga suspek at sa agarang ikadarakip ng mga ito. Margie Bautista