Home METRO 3 sasakyang idineklarang ‘spare parts’ nakumpiska ng BOC

3 sasakyang idineklarang ‘spare parts’ nakumpiska ng BOC

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa higit P6 milyong halaga ng mga ismagel na mga segundamanong mga sasakyan ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs – Port of Cagayan de Oro (BOC-CDO) makaraang ideklara ang mga ito bilang mga “used” auto spare parts.

Ayon sa BOC, dumating ang kargamento sa Sub-Port of Mindanao Container Terminal noong Pebrero 12, 2024 mula sa Japan, na idineklara na naglalaman ng 55 pakete ng mga ginamit na auto spare parts.

Matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa nasabing kargamento, hiniling ng CIIS, ESS, at XIP kay District Collector Alexandra Y. Lumontad na mag-isyu ng alert order para sa full physical examination sa mga nabanggit na kargamento.

Sa isinagawang pisikal na pagsusuri, nadiskubre ang pagkakaiba sa kargamento, na natagpuang naglalaman ng isang (1) unit ng isang ginamit na 1985 Suzuki Jimny, isang (1) unit ng isang ginamit na 2001 Mercedes-Benz G Class, isang (1) unit ng isang ginamit. 2003 Toyota LC Prado, at isang (1) unit ng isang ginamit na 1995 Toyota LC Prado.

Batay sa ulat ng pagsusuri, ang mga sasakyan ay tinaya sa aggregate Landed Cost, kabilang ang duties, taxes, at iba pang singil, sa halagang P6.7 milyon.

Isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang inilabas laban sa subject shipment para sa paglabag sa Section 1400 kaugnay ng Section 1113 (f) at (l) 3, 4, at 5 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

“The prompt measures undertaken by the Port of CDO are truly commendable and will serve as a clear reminder for transnational crime syndicates that we in the BOC are taking our job seriously with unwavering dedication in protecting the integrity of the nation’s supply chain,” ani Commissioner Bienvenido Y. Rubio. JAY Reyes