MANILA, Philippines- Nakapagtala ng tatlong small phreatic eruptions sa Taal Volcano sa Batangas nitong Linggo, ayon sa Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Lunes.
Sa bulletin ng PHIVOLCS, sinabi nitong tumagal ang small phreatic eruptions ng isa hanggang tatlong minuto.
Batay sa PHIVOLCS, ang phreatic eruption ay “steam-driven explosion that occurs when water beneath the ground or on the surface is heated by magma, lava, hot rocks, or new volcanic deposits.”
Gayundin, naobserbahan ang volcanic tremor na tumagal ng 10 minuto sa bulkan, ayon sa PHIVOLCS.
Nagbuga ang Taal Volcano ng 8,927 tons ng sulfur dioxide gas noong Setyembre 21 at na-monitor din ang “upwelling of hot volcanic fluids” sa Main Crater Lake nito.
Naobserbahan din ang pagbuga ng usok na umabot ng 1,800 metro ang taas, pumunta sa north-northeast direction.
Nananatili ang Alert Level 1 (Low-Level Unrest) sa bulkan.
Nagbabala ang PHIVOLCS sa mga komunidad sa paligid ng Taal Caldera ukol sa potensyal na long-term health impacts ng madalas na exposure sa high concentrations ng volcanic SO2.
Ipinagbawal din ng ahensya ang paglapit sa Taal Volcano Island, permanent danger zone o PDZ, partikular sa bisinidad ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure.
Dapat ding mag-abiso ang civil aviation authorities sa mga piloto na iwasang magpalipad ng aircraft malapit sa bulkan, ayon sa PHIVOLCS. RNT/SA