ISA sa mga pinakamapanganib na sakit ng mga bata ang tigdas dahil bukod sa itinuturing itong malubhang karamdaman, mabilis din itong makahawa lalo’t kumakalat ito sa hangin mula sa ubo o bahing ng mga taong may tigdas.
Malubha ang ganitong karamdaman sa mga bata dahil nagdudulot ito ng lagnat, ubo, pamumula ng mga mata, at pamamantal na kapag hindi kaagad naaapan ay posibleng ikamatay ng bata.
Hindi naman lahat ng tao ay nasa panganib na magkaroon ng tigdas lalo’t bakunado pero ‘yung mga hindi nakapagpabakuna, mga nagdadalang-tao, mga wala pa sa anim na buwang gulang na sanggol at may mga mahinang resistensya ay malaki talaga ang panganib na mahawa o magkaroon ng tigdas.
Hindi kaila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang panganib na dala ng tigdas kaya’t kamakailan ay pinulong niya ang mga pinuno ng bawat ahensiya ng pamahalaan na may kaugnayan sa kalusugan, sa pangunguna siyempre ng Department of Health, upang magsama-sama sa pagsisikap na maisulong ang implementasyon ng programang malawakang pagbabakuna sa mga bata sa buong bansa.
Hiningi rin ni Pangulong BBM sa DOH at iba pang ahensiya na bigyan siya ng pinakahuling datos sa resulta ng programang malawakang pagbabakuna na isinasagawa ng pamahalaan dahil nababahala siya na baka dumami ang mga batang magkaroon ng ganitong karamdaman lalo na sa mga lugar na maraming maralita.
Nauna ng inihayag ni Presidential Communication Office Secretary Cesar Chavez na lilikha sila ng isang programa na magbibigay daan upang maipabatid sa publiko ang isinasagawang malawakang pagbabakuna ng pamahalaan.
Sa panig naman ni DOH Secretary Teodoro Herbosa, naniniwala siya sa mungkahi ng Pangulo na kinakailangan ang tulong ng mga pribadong sektor sa buong bansa upang maging matagumpay ang kanilang kampanya sa malawakang pagbabakuna.
Inihalimbawa ng kalihim ang matagumpay na pagbabakuna noong panahon ng pandemya kung saan naging katuwang nila ang mga pribadong sektor kaya’t umabot sa halos 80 milyong tao ang naturukan ng bakuna kontra sa Covid 19.
Sa ngayon ay sinisikap na ng DOH na maging sapilitan na maging sa mga pribadong klinika ang pagbabakuna at pag-uulat din nila ng bilang ng mga batang kanilang nabakunahan.
Libre namang ibinibigay ang mga bakuna sa lahat ng bata at maging hanggang sa 18-taong gulang dahil nasa ilalim na ito ng umiiral na batas bagama’t nakukulangan si Pangulong BBM kaya’t kinailangang niyang hingin ang pagtutulungan ng bawat ahensiya ng pamahalaan.