Home NATIONWIDE 3 sumukong miyembro ng KOJC tumaas ang blood pressure

3 sumukong miyembro ng KOJC tumaas ang blood pressure

MANILA, Philippines- Natapos na ang paghahanap sa puganteng si Pastor Apollo Quiboloy noong Linggo matapos sumuko ang kontrobersyal na televangelist at apat na co-accused sa mga awtoridad sa loob ng Kingdom of Jesus Christ compound. 

Sa lima, tatlo ang nakaranas ng high blood pressure base sa kanilang medical examination, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes.

Nang tanungin kung kasama si Pastor Apollo Quiboloy sa mga tumaas ang blood pressure, sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo na hindi niya maaaring sabihin dahil umano sa patient-doctor confidentiality.

“Binigyan sila ng gamot ng ating mga doctors particularly ng para sa pagtaas ng BP. After a few minutes naman in-examine sila ng mga doctors at okay naman sila,” wika ni PCol. Fajardo.

“Bago tayo umalis doon, personal nating nakita na settled naman sila sa mga kuwarto na intended para sa kanila,” dagdag niya.

Natapos ang booking procedure sa Camp Crame, kabilang ang pagkuha ng mugshot at fingerprints ni Quiboloy, lampas alas-12 ng hatinggabi, base sa mga pulis.

“‘Yung RTC Quezon City ‘yung mga kaso na mula sa Davao. Kung natatandaan niyo, na-grant ng Supreme Court ‘yung request na mai-transfer na nai-file sa Davao at yan at nai-transfer na sa RTC Quezon City at ‘yung isa namang kaso particularly ‘yung non-bailable offense sa RTC Branch 155 sa Pasig,” anang opisyal.

Bukod sa pagiging wanted sa US dahil sa sex trafficking, fraud at iba pang krimen, nahaharap din si Quiboloy sa arrest warrants mula sa Senado sa hindi pagdalo sa imbestigasyon sa umano’y mga pang-aabuso sa KOJC at mula sa dalawang korte para sa child and sexual abuse at human trafficking charges. RNT/SA