Home METRO 3 suspek sa natagpuang bangkay sa balikbayan box, nasakote; J&T rider, sabit

3 suspek sa natagpuang bangkay sa balikbayan box, nasakote; J&T rider, sabit

109
0
Larawan kuha ni Crismon Heramis

MANILA, Philippines- Nasakote na ng mga tauhan ng Manila Police District-Homicide Section ang tatlong sinasabing may kinalaman o nasa likod ng natagpuang kahon na naglalaman ng bangkay ng babae na itinapon sa Tondo, Maynila nitong Sabado.

Sa isinagawang follow-up operation at backtracking ng mga tauhan ng MPD-Homicide Section sa pangunguna ni Criminal Investigation Section (CIS) Chief P/Major Rommel Anicete at Homicide Chief Capt. Dennis Turla, unang naaresto ang courier na nagtapon umano ng kahon sa bahagi ng kahabaan ng Capulong sa Tondo.

Dito na itinuro ng courier ang dalawa pang suspek kung saan isa rito ay tiyuhin ng kanyang kasintahan.

Ayon sa courier, pauwi na ito nang tawagan siya ng tiyuhin at nakisuyo na itapon ang kahon.

“Wala po akong kinalaman dahil pauwi nako noon galing trabaho nung tinawagan ako –pagdating ko karga-karga na nila yung kahon at nakisuyo sila na itapon ko –humiram pa nga po sila sakin ng tape,” depensa ng suspek na napag-alamang J&T courier driver.

Sa ambush interview kay MPD Director P/Brig. General Arnold Thomas Ibay, puspusan pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang naging partisipasyon ng bawat isa kaugnay sa pagkakadiskubre sa kahon na naglalaman ng bangkay ng babae na kinilala sa alyas na Jazmine noong Sabado ng gabi.

Dagdag pa ng heneral, sa pamamagitan ng backtrack teams na nagpa-follow up sa kaso ay nalaman kung sino ang nagtapon ng kahon at kung sino ang nagsakay nito.

Nakikitang motibo naman sa pagpaslang sa biktima ay droga dahil gumagamit umano ng ilegal na droga ang dalawa sa mga suspek. Gayunman, tinitingnan pa rin aniya ang lahat ng anggulo.

Sinabi naman ni Anicete na maaring hindi lamang ang tatlong naaresto ang responsable sa nangyari sa biktima kaya naman kanila pa ring masusing iniimbestigahan ang krimen. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here