Home NATIONWIDE MMDA: Aksidente sa motor tumaas ng 17.3% noong 2023

MMDA: Aksidente sa motor tumaas ng 17.3% noong 2023

MANILA, Philippines- Iniulat ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes ang 17.3 porsyentong pagtaas sa motorcycle-related road crashes noong 2023 kumpara noong 2022.

Batay sa datos mula sa Road Safety Unit nito, sinabi ng MMDA na may kabuuang 26,599 motorcycle-related crashes ang naitala noong 2022.

Lumobo naman ang bilang sa 31,186 road crashes noong 2023, dagdag nito.

Samantala, sinabi ng MMDA na mayroong 4,068 motorcycle-related crashes na naitala mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.

Dahil dito, inulit ng ahensya ang panawagan para sa mga interesadong matuto kung paano magmaneho nang ligtas na mag-enroll sa MMDA Motorcycle Riding Academy (MRA).

“Kaya naman, para matugunan ang problemang ito at maipatupad ang disiplina, partikular ng mga motorcycle rider sa lansangan, ay binuksan ang MMDA MRA sa Pasig City, sa inisyatiba ni Acting Chairman Atty. Don Artes,” pahayag ng MMDA sa isang Facebook post.

“Puwede ang kahit sinong gustong matutong magmotorsiklo at rumesponde sa daan sakaling may emergency. Magtungo lamang sa tanggapan nito sa Doña Julia Vargas cor. Meralco Avenue o mag-enroll online,” dagdag nito. RNT/SA