Home HOME BANNER STORY 3 suspek sa pamamaril sa Basilan noong BSKE, sumuko na

3 suspek sa pamamaril sa Basilan noong BSKE, sumuko na

MANILA, Philippines – Sumuko sa pulisya ang isang barangay chairman kasama ang dalawang kasamahan, na sangkot umano sa pamamaril sa Lamitan City, Basilan noong gabi ng halalan, Oktubre 30.

Sumuko sina Abdulla Panglias, incumbent chairman at reelectionist ng Brgy. Balagtasan, Lamitan City, at dalawa niyang kasabwat na sina Absar Panglias at volunteer community watchman Jhulbin Suntul, kay 101st Infantry Brigade BGen. Alvin Luzon sa Camp Luis Biel.

Agad namang sumuko matapos ng insidente ang isa pang suspek na si Ghalib Tala Sasal.

Kabilang sa mga isinuko ay ang tampered M653 rifle, caliber .45 pistol at iba pang sari-saring bala at armas.

Matatandaan na noong gabi ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), iniulat na namaril ang mga suspek at napatay si Sagon Jailun at Unnang Turabin Alasa, na umano’y sinubukang pigilan ang kampo ni Panglias na kunin ang mga ballot box.

Nahaharap sa double murder charges ang mga suspek kasabay ang kasong paglabag sa ipinatutupad na gun ban ng Commission on Elections para sa BSKE.

“Our next effort now is to stabilize and normalize the situation in Brgy. Balagtasan, Lamitan City, and remove the fear and anxiety of the barangay folks,” ani Luzon. RNT/JGC