Home METRO 3 tiklo sa carnapping, pagnanakaw sa Cavite

3 tiklo sa carnapping, pagnanakaw sa Cavite

MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang tatlong lalaki na sangkot sa carnapping sa Barangay Anabu 1-C sa Imus, Cavite.

Ayon sa pulisya, agad na naisumbong sa kanila ng may-ari ng isang closed van na nawawala na ang sasakyang ipinarada.

Sa kuha sa CCTV, Nakita ang paglabas ng sasakyan nito mula sa pinaradahan bago mag-3:30 ng madaling araw.

Umalis ito mula sa isang subdivision at lumiko patungo sa Anabu Road at bumyahe pa-Imus.

“Nung kinaumagahan po nakita nila na wala na doon yung truck doon sa garahe. At nung tiningnan po yung GPS nalaman nila yung truck ay andoon sa Carmona,” pahayag ni PLtCol. Louie Dionglay, officer-in-charge ng Imus City Police Station sa panayam ng ABSCBN News.

“Tinawagan [ng may-ari] yung empleyado ang sabi andun lang daw sa parking yung truck. Pero nung tiningnan ng may-ari, wala doon,” dagdag ni Dionglay.

Kalaunan ay natunton ng pulisya ang van sa Barangay Maduya, Carmona, Cavite pero wala na itong laman nang buksan.

“Ang closed van ay inabandona nila sa Carmona at yung mga items na laman nito ay binenta ng mga suspek. Ayon sa may-ari yung laman ng closed van nagkakahalaga ng P123,000 na assorted goods,” ayon pa kay Dionglay.

Nakuha mula sa mga suspek ang P20,000 mula sa mga ibinentang produkto at isang motorsiklo na ginamit ng isa sa mga suspek sa pagpunta sa Carmona.

“So yung na-recover natin sa suspects na 20,000. Yung nawawala, maaaring pinaghati-hatian na nila yun,” anang opisyal.

“Nung ni-review kasi yung CCTV, nakilala nila yung suspect, yung isa sa mga suspect. So nung tiningnan pang mabuti, yung isa doon dati nilang empleyado yung isa active nilang empleyado,” dagdag pa nito

Nahuli ang 30-anyos na suspek sa tinitirhang apartment nito sa ikinasang follow-up operation.

Sunod na nahuli ay ang 31-anyos at 41-anyos na suspek sa kaparehong lugar.

Nasa kustodiya na ng Imus Police ang mga suspek na nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016 at Qualified Theft. RNT/JGC