MANILA, Philippines – Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong indibidwal sa pagpupuslit ng ismagel na sigarilyo sa Santa Rosa, Laguna nitong Lunes.
Nagsagawa ng entrapment operation ang NBI Laguna District Office sa Barangay Tagapo, Santa Rosa na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek at pagkakasamsam sa 1,000 rims ng sigarilyo.
Ayon sa NBI, tinatayang aabot sa P600,000 ang halaga ng ismagel na sigarilyo.
Narekober din ng mga awtoridad sa entrapment operation ang .40 caliber pistol, dalawang .40 caliber magazines at 20 live .40 caliber rounds ng bala.
Isa sa mga suspek na si Gilberto Ramos ay natuklasang na isang Barangay chairman ng Barangay Anyatam, San Indefonso, Bulacan.
Mahaharap sa kasong paglabag sa National Internal Revenue Code ang mga naarestong suspek. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)