Home METRO 3 timbog sa P2.4M tobats

3 timbog sa P2.4M tobats

CEBU CITY, Philippines- Nakumpiska ng mga awtoridad ang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P2.4 milyon sa dalawang magkahiwalay na buy-busts operations sa Cebu nitong Biyernes ng gabi.

Nagresulta rin ang mga nasabing operasyon sa pagkakaaresto sa tatlong hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang lalaki na nagtatrabaho umano para sa big-time drug traders sa lugar na ito.

Unang naaresto ng mga awtoridad ang isang 54-anyos na lalaki na kinilala sa alyas na “Eboy” sa Purok Mangga, Barangay Camp 4 sa Talisay ng alas-9:27 ng gabi.

Itinuturing si Eboy, walang trabaho, residente ng parehong barangay, na isang high-value individual (HVI).

Nadakip din ang umano’y kasabwat nitong kinilalang si alyas “Mo,” 39. Nagmula ang suspek na isang dental technician sa Purok Rosas, Brgy. Lower Linao, Minglanilla, Cebu.

Kasalukuyang nakaditene ang mga suspek sa custodial facility ng Talisay Police Station habang hinihintay ang paghahain ng drug charges laban sa kanila.

Samantala, isa pang drug sting ang isinagawa ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Special Enforcement Team at ng Mabolo Police Station sa Barangay Luz, Cebu City bandang alas- 9:40 ng gabi nitong Biyernes.

Nadakip ng mg awtoridad si Boyet Ancajas, 28, walang trabaho, at residente ng nasabing barangay.

Nakumpiska ng mga operatiba ang pitong pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P782,000 mula kay Ancajas.

Sinabi ni Leia Alcantara, PDEA-7 spokesperson, ang suspek ay newly-identified drug personality na nagtatrabaho umano para sa big-time drug traders sa Cebu.

Bukod dito, sinabi ni Alcantara na nakapagbebenta si Ancajas ng 300 gramo ng ilegal na droga kada linggo batay sa case buildup na isinagawa nila sa loob ng isang linggo.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek habang ikinakasa ng mga awtoridad ang kasong possession and sales of illegal drugs laban sa kanya. RNT/SA