Bulacan- Arestado ang tatlong indibidwal matapos umanong pwersahang kunin ang isang nakaparadang pampasaherong tricycle sa bayan ng Balagtas.
Kinilala ng pulisya ang tatlong suspek na sina alyas Toper, 29, construction worker, Owa, 23, Hawe, 24 kapwa residente ng Brgy. Mapulang Lupa, Pandi.
Sa report ng Balagtas police station kay Bulacan Police director PCOL Satur Ediong, naganap ang insidente bandang alas-7 ng gabi nitong February 25 sa Brgy. Pulong Gubat.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nag-aabang ng pasahero ang tricycle driver na nagngangalang Rico nang tutukan ng kutsilyo ni alyas Owa at hiningi ang susi nito.
Walang nagawa ang biktima nang kunin ni alyas Toper sa kanya ang susi hanggang sa minaneho palayo angkas si Owa habang nakatutok si Hawe na lulan ng motor na Rusi bilang getaway motorcycle.
Dahil dito, nagsumbong sa istasyon ng pulisya ang biktima na agad nagsagawa ng follow-up operation kaya nahuli ang mga suspek kalaunan at nabawi ang tricycle.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10883 (New Carnapping Act of 2016). Dick Mirasol III