Home METRO Bahay ng mag-asawang senior naabo sa katol

Bahay ng mag-asawang senior naabo sa katol

ILOCOS SUR- Nawalan ng tirahan ang isang mag-asawang senior matapos na kainin ng apoy ang kanilang bahay sa Brgy. San Isidro, Candon City ng lalawigang ito kagabi.

Ang may-ari ng bahay ay sina Romeo Vienegas Ilagan, 71, at Luzviminda Mangay-ayam Ilagan, 75.

Bandang alas-9:01 ng gabi nang magsimula ang sunog na tumagal ng halos kalahating oras.

Ayon kay Luzviminda Ilagan, nagsindi siya ng katol sa loob ng kanilang kwarto at inilagay niya ito sa ilalim ng kanilang katre.

Pagkatapos nito ay bumaba siya para maligo habang abala naman sa panonood ng TV ang kanyang mister sa 1st floor ng kanilang bahay.

Nang matapos siyang maligo ay agad siyang umakyat ng 2nd floor ngunit nabigla siya nang makitang nasusunog na ang kanilang kwarto.

Dahil dito, agad nilang kinuha ang ilang mahahalagang gamit nila at inilabas ng bahay.

Agad silang humingi ng tulong sa mga kapitbahay para tumawag ng bumbero.

Walang naiulat na nasaktan sa naturang sunog. Rolando S. Gamoso