MANILA, Philippines- Masusing pag-aaralan ng Supreme Court (SC) ang mga natanggap nitong suhestiyon mula mismo sa persons deprived of liberty (PDLs) kaugnay sa gagawing pagrebisa sa Rules on Criminal Procedure.
Idinaos ng SC Sub-Committee on the Revision of the Rules of Criminal Procedure ang serye ng konsultasyon mula Nobyembre hanggang Disyembre 2024 sa iba’t ibang detention facilities sa buong bansa.
Nirerebisa ng SC ang Rules of Criminal Procedure (CRIMPRO Rules) bilang bahagi ng Strategic Plan for Judicial Innovation 2022-2027 (SPJI). Ito ang nagsisilbing blueprint ng hudikatura para sa judicial reform.
Layunin ng panukalang rebisyon na matugunan ang magkatuwang na problema ng docket congestion at mabagal na criminal proceedings.
Isinagawa ang stakeholder consultations para makakuha ang Korte Suprema ng mga mungkahi mula sa mga PDL dahil sila ang direktang apektado sa proposed amendments.
Kabilang sa mga pinuntahan ng SC Sub-Committee ay ang La Union Provincial Jail, Angeles City District Jail, Talisay City Jail, Mandaue City Jail, Davao City Jail, Davao del Sur Provincial Jail at Correction Institution for Women in Mandaluyong City.
Ibinahagi ng mga PDL ang kanilang mga problema gaya ng kawalan ng mga abogadong may kakayahan at mahabang pre-trial detention. Teresa Tavares