Home METRO Punong barangay, 2 kasama patay sa truck

Punong barangay, 2 kasama patay sa truck

AURORA- Patay ang isang punong barangay at dalawa nitong kasama habang tatlo pa ang sugatan matapos araruhin ng truck ang sinasakyan nilang tricycle, iniulat kahapon sa bayan ng Maria Aurora.

Kinilala ang mga nasawi na sina PB Mauro Castillo, 54, Barangay Baubo; Emily Ancheta, ng Barangay Bazal, at Roderick Mapindan, Barangay Zabali, Baler, Aurora.

Nilapatan naman ng lunas sa ospital ang mga sugatan na sina Rowena Castillo, Pilaya Ancheta, 56, ng Barangay Bazal, at Marie Biato.

Nasa kustodiya ng Maria Aurora Municipal Police Station ang suspek at driver ng truck na kinilalang si King Gil Reyes, residente ng Barangay Poblacion 2, ng nasabing bayan.

Batay sa report ng pulisya, bandang alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng Maria Aurora National High School sa Barangay San Joaquin, ng nabanggit na bayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakipaglamay ang mga biktima sa namayapang si Vice Mayor Amado Geneta, dahil sa karamdaman.

Habang pauwi ang mga biktima sa kanilang tahanan sakay ng dalawang tricycle at pagsapit sa naturang lugar bigla na lamang silang inararo ng truck na minamaneho ni Reyes.

Sa lakas ng pagkakasalpok ay nawasak ang tricycle at tumilapon ang mga biktima na nagresulta ng pagkamatay ng tatlo at ikinasugat ng tatlo nilang kasama.

Matapos ang insidente, nadakip si Reyes at ngayon ay nahaharap sa mga kasong multiple homicide at multiple physical injuries sa Aurora Provincial Prosecutor’s Office. Mary Anne Sapico