ANGELES CITY, Pampanga – Arestado ang tatlong Chinese national matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang umano’y scam hub sa loob ng apartment sa isang exclusive subdivision sa Angeles City noong Lunes ng gabi.
Base sa ulat na isinagawa ang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) Organized and Transnational Crimes Division katuwang ang Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit (FSU).
Natagpuan umano ang mga suspek sa kanilang mga workstation sa loob ng apartment at sinasabing sangkot sa online scam na tumatarget sa iba’t ibang lahi, kabilang ang mga Pilipino.
“This is a small-scale operation; in terms of shabu labs, these are ‘kitchen-type’ setups, which is why we only caught three people. But to be clear, this is part of our ongoing efforts to run after small breakaway groups from POGOs,” ayon kay NBI Director Melvin Matibag.
Ayon sa NBI at BI-FSU, ang mga suspek ay dating miyembro umano ng malalaking Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs na kalauna’y bumuo ng maliliit na grupong patuloy na gumagawa ng ilegal na operasyon.
Sinabi rin ng mga awtoridad na gumagamit ang grupo ng mga paraan upang hindi matukoy ang kanilang gawain, kabilang ang pananatili sa mga residential area at pakikihalo sa komunidad.
“They already have Filipina partners with them, and when we entered, their workstations were immediately visible,” ayon kay BI-FSU Chief Rendel Sy.
“Their operations are fragmented; one group is involved in money laundering, while another is responsible for calling their clients. When you piece it all together, they are still running a large-scale operation here,” dagdag niya.
Nasamsam sa operasyon ang mga computer, cellphone, at iba pang kagamitan na umano’y ginagamit sa scam activities.
Ayon sa mga awtoridad, ipapa-deport ang mga suspek pabalik ng China kung walang isasampang kaso sa lokal na korte. Mary Anne Sapico