Home METRO 3 tulak huli sa higit P470K shabu sa Malabon

3 tulak huli sa higit P470K shabu sa Malabon

MANILA, Philippines – ARESTADO ang tatlong drug susepcts, kabilang ang isang ginang matapos makuhanan mahigit P.4 milyong halaga ng shabu nang masakote ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni DDEU chief PLt. Col. Timothy Aniway Jr., ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA matapos magawa ng isa sa kanyang mga tauhan na makipagtransaksyon kina alyas “Gina”, 34, at alyas “Alex”, 55, kapwa residente ng Navotas City.

Dakong alas-11:56 ng gabi nang dambahin ng mga tauhan ni Lt Col. Aniway sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora ang mga suspek matapos bintahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Highway Star, Brgy. Muzon.

Nakuha sa mga suspek ang nasa 50 grams ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P340,000.00, at buy bust money na isang tunay na P500 bill at anim pirasong P1,000 boodle money.

Nauna rito, alas-4:18 ng madaling araw nang nadakma nina Capt. Pobadora sa buy bust operation din sa Victoneta Avenue, Brgy. Potrero si alyas “Speed”, 42, ng Caloocan City.

Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 20 grams ng shabu, buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 15-pirasong P500 boodle money at cellphone.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Binati naman ni Col. Ligan ang DDEU sa kanilang hindi natitinag na dedikasyon sa paglaban sa iligal na droga. Muli niyang pinagtibay ang pangako ng NPD na paigtingin ang mga operasyon laban sa droga at itaguyod ang kaligtasa ng publiko sa Camanava area. Merly Duero