Home NATIONWIDE Comelec, PNP nag-usap sa pagpapatupad ng ‘Oplan Katok’

Comelec, PNP nag-usap sa pagpapatupad ng ‘Oplan Katok’

MANILA, Philippines – Nag-uusap ang Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police (PNP) para makabuo ng guidelines para sa ligtas na pagsasagawa ng Oplan Katok ng mga alagad ng batas sa gitna ng panahon ng botohan.

Sinabi ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na nais ni Comelec chairperson George Garcia na magdagdag ng safeguards ang PNP sa door-to-door campaign nito laban sa mga expired na baril.

Sinabi ni Laudiangco na nauunawaan naman ni Comelec Chair ang intensyon ng PNP ngunit aniya sa kanyang pahayag ay kailangan siguro madagdagan yung safeguards para masiguro na hindi maaabuso yung ganitong pamamaraan.

“So ngayon po, tuloy-tuloy ang pag-uusap ng PNP at Comelec para magkaroon ng common ground, common stand. Maipatupad yung mandato ng PNP. At the same time, magawa po ito nang makakatulong sa halalan,” dagdag pa ni Laudiangco.

Nauna nang hinimok ni Garcia ang PNP na isuspinde ang Oplan Katok para sa May 2025 elections dahil maaaring magkaroon ng chill effect sa mga botante at maaaring abusuhin ng ilang pulitiko.

Bilang tugon, sinabi ng tagapagsalita ng PNP na si Police Brigadier General Jean Fajardo sa Oplan Katok ay hindi naglalayong manggulo o manakot ng sinuman sa gitna ng panahon ng halalan.

Ito aniya ay regular na tungkulin bilang bahagi ng regulatory power, authority ng PNP Lalo na kapag expired na ang mga lisensya. Jocelyn Tabangcura-Domenden