MANILA, Philippines – Naaresto ng mga awtoridad sa Cavite, Laguna, at Rizal ang anim na tulak ng illegal na droga kasabay ng pagkakakumpiska ng P350,000 halaga ng shabu at tatlong illegal na armas.
Isinagawa ang operasyon bandang 7:30 ng gabi sa tulak na sina “Jessica” at “Judy” matapos pagbentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang undercover police sa Barangay Langkaan 2, iniulat ng Police Regional Office 4A nitong Miyerkules, Pebrero 5.
Nakuha mula sa mga suspek ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng shabu at may timbang na 20 gramo.
Nagkakahalga ito ng P136,700, kasabay ng pagkakarekober sa isang hindi dokumentadong .9mm pistola na kargado ng dalawang bala.
Samantala, sa Binangonan, Rizal, naaresto ng mga awtoridad sina alyas “Damboo” at “Botchok” sa operasyon sa Barangay Calumpang bandang alas-10:20 ng gabi.
Ang dalawa ay nakuhanan ng 31 gramo ng shabu na may DDB value na P210,800 at kalibre .38 na revolver na may tatlong bala.
Nakuha rin ang motorsiklo na pinaniniwalaang gamit ng mga suspek sa illegal na aktibidad.
Dagdag pa, naaresto rin sa operasyon sa Cavinti, Laguna, police ang mga suspek na sina “Raffy” at “Ronald” sa Barangay Duhat.
Narekober sa mga suspek ang P3,808 halaga ng shabu at illegal na kalibre .38 na rebolber na may dalawang baloa.
Nakumpiska rin sa mga ito ang tatlong cellphone.
Tinukoy sa report na si Jessica at Damboo ay mga high-value individual at ang nalalabing mga naaresto ay mga street-level drug pushers.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, illegal possession of firearms, at paglabag sa election gun ban. RNT/JGC