CEBU CITY, Philippines – Arestado ang tatlong Korean national na wanted sa kanilang bansa dahil sa loan fraud sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Bureau of Immigration–Fugitive Search Unit (BI-FSU) sa isang golf course sa Cebu City, iniulat kahapon.
Ayon kay BI-FSU Chief Rendel Sy, ang mga suspek ay wanted sa South Korea dahil sa loan fraud scheme na kumita ng higit ₱120 milyon.
Sinabi ni Sy na ang dalawa sa kanila ay may Interpol red notice, habang ang isa ay gumagamit umano ng pekeng ID bilang Pilipino.
“Agad tayong nag-deploy ng tracker team at natunton natin ang pinagtataguan nila. Nalaman natin na madalas silang maglaro ng golf dito sa Cebu. Nang makumpirma ng ating mga operatiba na naroon sila, agad silang inaresto,” ani Sy.
Samantala, sa isa pang operasyon sa Cagayan de Oro City, isang 59-anyos na Japanese national ang inaresto matapos magtago sa Pilipinas nang mahigit sampung taon dahil sa kasong assault sa Japan.
“Matagal na siyang nagtatago. May hiniraman siya ng pera, pero nang hindi siya napautang, binugbog niya ang biktima na nagtamo ng malubhang pinsala,”
dagdag pa ni Sy.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya na ng BI at sasailalim sa deportation proceedings. /Mary Anne Sapico