Home NATIONWIDE 3 World Stars naiuwi ng Team Pinas sa Thailand Math Olympiad

3 World Stars naiuwi ng Team Pinas sa Thailand Math Olympiad

THAILAND – Nag-uwi ng tatlong world stars ang Team Philippines sa Thailand International Mathematical Olympiad (TIMO) final round na ginanap sa Chiang Mai, Thailand noong Peb. 21-24, 2025.

Ang TIMO Finals ay isa sa mga qualifying stage para sa World International Mathematical Olympiad (WIMO) 2025 na gaganapin sa Enero 2026.

Ayon sa Math Olympiads Training League Inc. (MOTLI), nagpakitang gilas sina Brian Jansen Vallejo ng Sarrat National High School sa Ilocos Norte, Yleisha Neil Sumo ng General Emilio Aguinaldo National High School sa Cavite, at Achillas Maximus Cristobal ng Operation Brotherhood Montessori Center sa Pampanga.

Itinanghal na world champion si Vallejo, na nag-uwi rin ng isang gintong medalya at nakatanggap ng Leibniz at Pascal awards. Pinuri ni Coach Michael Malvar ang dedikasyon ng koponan at hinikayat silang patuloy na magtagumpay sa mga susunod na olympiad.

Labimpitong bansa ang lumahok sa TIMO Finals, kabilang ang Australia, Brazil, Canada, Singapore, at India. Naging matagumpay ang Philippine team, lalo na ang Sarrat National High School, na nakakuha ng isang world champion title, isang world first runner-up, apat na gintong medalya, isang pilak, dalawang merit awards, at anim na perfect score awards.

Ipinakita rin ng mga organizer ang kahalagahan ng iba’t ibang parangal tulad ng Boole award para sa logical thinking, Euler award para sa number theory, Leibniz award para sa algebra, Euclid award para sa geometry, at Pascal award para sa combinatorics, na nagpapatunay sa husay ng mga kalahok sa larangan ng matematika. RNT