
WALANG kinatatakutan ang mga magnanakaw at motornaper ngayon.,
Kahit pa napakarami ang mga checkpoint na minamanduhan ng Commission on Elections at mismong mga pulis.
Sa lalawigan lang ng Bulacan, maraming natatanggap ang ating Uzi na pagnanakaw ng mga motor o gamit ng mga ito.
May mga holdaper ding pumapasok maging sa mga interior at barangay road na kinatatakutan na ng mga mamamayan.
At may mga akyat bahay rin.
Nagaganap din ito sa ibang mga lugar, maging sa Metro Manila.
Sa Metro Manila, nauuso ngayon ang mga agaw-cellphone at isnatsing sa mga motorista at pandurukot sa matataong lugar.
KARANIWANG NINANAKAW
Sinasabi ng mga nakapapansin na kung noon, usong-usong ang pagnanakaw o pag-motornap sa maliliit na motorsiklo gaya ng Mio na gawa ng Yamaha, ang NMAX naman ngayon ang paborito ng mga motornaper.
Sinasabing kinakalas umano ang mga piyesa dahil mabenta ang mga ito.
Sa rami umano ng mga may NMAX na nasisiraan ngayon, marami rin ang naghahanap ng piyesa para rito.
Hindi lang ‘yan.
Palagi ring may mga reklamo na sinisilat ang mga naiiwang helmet, lalo na kung bago at maganda.
Karaniwang nagkakahalaga ng mahigit P2,000 ang maganda-gandang helmet at ibinebenta lang ng madalian sa nasa P500.
ARAW O GABI
Napakalalakas ng loob ang mga magnanakaw.
Walang pinipili kahit araw pero karaniwang gabi isinasagawa ng mga ito ang kanilang mga krimen.
Lalo na ang pagpasok o pag-akyat bahay ng mga ito.
At may estilo na sila sa paggamit ng mga armas nang hindi hinuhuli.
Isa rito ang pagdadala ng mga screw driver bilang panaksak.
Paano nga naman huhulihin ng mga pulis o tanod ang may dala-dalang screw driver?
Kahit walang kaibhan ito sa ice pick na nakamamatay.
DROGA NAGLIPANA
Hindi inaamin ng mga pulis na dumarami ang adik at tulak.
Kahit na patunay rito ang araw-araw na panghuhuli nila ng mga ito.
Sinasabi nilang umuunti umano ang mga rekord ng droga.
Pero kapag tinatanong ang mga taga-barangay, nagiging saksi sila sa pagbabalik ng droga sa kanilang mga barangay.
Ngayon, mga Bro, hindi kaya nagmumula sa pagdami ng mga sangkot sa droga ang mga krimen na pagnanakaw o panghoholdap at iba pa?
Maging sa loob ng mga tahanan.
SEX FOR DRUGS
Alam ba ninyo ang isang istayl para lumaganap ang droga?
Paggamit ng sex.
May paulit-ulit na hinuhuli ng mga pulis na babeng maganda at kalalabas muli sa kulungan.
‘Yun pala, mga Bro, nakikipag-sex sa mga kabataan para makapagbenta ng droga.
Pero paano kaya nakalalabas sa kulungan ang babae?
Ano ang dala nitong karisma at hindi nagtatagal sa kulungan?
Dahil din sa pakikipag-sex, nabubuntis ito nang ilang ulit at ibinibenta ang kanyang mga anak.
Sa katunayan, wala siyang natitirang anak dahil nabebenta niya lahat ito.
Ano-ano nga kaya ang dapat gawin sa naghalong sumpa ng droga at pagnanakaw?