NAGMISTULA na namang dagat ang karamihan ng lugar sa Luzon dahil sa malawakang pagbaha kamakalawa. Maraming naperwisyo, minumura ang gobyerno dahil sa paulit-ulit na lang na ganitong sitwasyon kapag umuulan.
Umaabot sa nakagugulat na P1.78 trilyon ang inilaan ng pamahalaan para makontrol ang pagbaha sa nakalipas na 10 taon. Nakapagtataka kung saan nga ba napunta ang salapi?
Sa nasabing halaga, P1.2 trilyon ang inilagay na badyet sa administrasyon ni Pangulong Marcos para sa flood control. Halos doble kumpara sa panahon ni Pangulong Duterte.
Natukoy sa mga ulat na P545 bilyon dito ang nagamit sa mga iregularidad buhat noong 2022 — ang kasisimula ng administrasyong Marcos.
Okey, sabihin mang hindi dinambong ang pondo, bakit walang epekto ang mga proyekto? Nasayang ang pera dahil hindi naging mabisa ang mga pagawaing imprastraktura.
Kung gayon, hindi lamang garapal na korapsyon ang kinakaharap ng bansa kundi pati na ang kawalan ng kakayahan ng gobyerno sa pamamahala.
Mali ang Malakanyang sa sinabing naging maayos na ang ginagawa ng pamahalaan para makontrol ang baha.
Kung dati’y hanggang leeg, hanggang tubig na lang daw ang tubig. Subalit kamakalawa, natuklasan ang muli nilang pagsisinungaling nang lunurin na naman sa baha ang maraming lugar.
Sadyang hindi natin mapipigil ang pag-ulan at bagyo. Pero masosolusyonan natin ang problema sa baha kung maipakukulong ang malalaking isdang mandarambong sa gobyerno at magagamit nang tama ang malaking pondo ng bayan para sa mga proyekto.
Sa ngayon ay mahirap umasa. Ang ating mga kasalukuyang pinuno ay walang kakayahan sa maayos na pagpaplano at walang kakayahang totoong habulin o panagutin ang mga magnanakaw sa ating pondo.
Ang lahat ng sangkot sa flood control scandal, lalo na ang mga utak sa likod ng katiwalian, ay napatunayan na nating magkakasapakat.
Tama ang sinabi noon ni dating Pangulong Duterte. Ang kasalukuyang administrasyon ay mahina. Kaya heto ngayon ang mga Pilipino, lumulutang sa baha.






