Home OPINION EDSA PEOPLE POWER VS MARCOS CANDIDATES

EDSA PEOPLE POWER VS MARCOS CANDIDATES

MAY masamang epekto kaya sa mga kandidatong senador ni Pangulong Bongbong Marcos sa halalang 2025 ang todo-todong batikos sa kanya, lalo na kaugnay ng ika-39 anibersaryo ng 1986 People Power Revolution ngayong araw?

Binabatikos si Pang. Bongbong sa halos pagbabalewala umano nito sa halaga ng makasaysayang pangyayari sa Pilipinas sa pagturing nito na isa lang itong special working day kaya pupwedeng dedmahin ng sinoman, maging ng mga empleyado ng pamahalaang nasyonal at lokal.

Inaakusahan ng mga nagsusulong ng anibersaryo ang Pangulo ng pambababoy sa kasaysayan ng pag-aaklas ng mga Pinoy laban sa kanyang amang si dating Pang. Ferdinand Marcos noong Pebrero 25, 1986.

Nag-aklas umano ang mga Pinoy laban kay Manong Ferdie sa ginawa nito at ang kanyang mga pamilya at mga crony na pandarambong sa kaban ng bayan at bulsa ng mga mamamayan at pang-aabuso sa kapangyarihan na ikinahirap ng halos lahat.

May 11,103 direktang biktima ng martial law noong 1972-1986, kasama na ang 2,326 pinatay o nawawala, 1,922 na tinortyur.

Iba pa ang pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag at iba pang anyo ng kalayaang sibil gaya ng pagtitipon at paglalabas ng hinaing ng taumbayan laban sa martial law na idineklara ni Manong Ferdie noon.

Pinangunahan noon ng daan-daang libong kabataan at estudyante at militante ang pakikipaglaban kay Marcos hanggang sumama na sa pag-aaklas ang mga simbahan at mga kapanalig nitong mga namumuno sa militar at pulisya.

Kung magpapatuloy ang kampanya laban sa Pangulo hanggang halalan at nakasiper ang bunganga ng mga kandidatong senador nito ukol sa mga akusasyon, may malalaglag kaya sa mga ito sa halalan?

Nakapaloob sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas ni Marcos sina reelectionist Senators Bong Revilla, Pia Cayetano, Imee Marcos, Lito Lapid, at Francis Tolentino; dating Sen. Manny Pacquiao, Tito Sotto at Ping Lacson; Kongresman Camille Villar at ACT-CIS party-list Representative Erwin Tulfo; dating Interior Secretary Benhur Abalos at Makati City Mayor Abby Binay.