Home NATIONWIDE ‘Guerilla POGO’ tutugisin ng CIDG; tracking team binuo

‘Guerilla POGO’ tutugisin ng CIDG; tracking team binuo

MANILA, Philippines – Bumuo ang Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) ng tracker team para tugisin ang mga Philippine offshore gaming operators (POGOs) na patuloy na nag-ooperate sa kabila ng total ban na ipinataw ng gobyerno simula 2025.

Ayon kay CIDG-NCR chief Col. Marlon Quimno, nag-shift na sa “guerilla” mode ang POGOs, binabawasan ang kanilang empleyado mula daan-daan sa 15 hanggang 20 katao. Sa tulong ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), naaresto ang 453 katao sa raid noong Pebrero 20 sa Parañaque City, kabilang ang 307 Pilipino at 137 Chinese nationals.

Kinasuhan ng human trafficking ang 18 Chinese at 2 Pilipino, habang patuloy ang imbestigasyon sa iba pang naaresto. Posible ring makasuhan ang may-ari ng gusaling ginamit ng POGO dahil sa pagpapatuloy ng pag-upa sa kabila ng mga babalang tulad ng PHP20 milyon buwanang renta.

Plano ng PAOCC na kumpiskahin ang gusaling ginamit ng Dan Ying Gaming Corp., na sinasabing pagmamay-ari ng isang kilalang Filipino-Chinese negosyante. Samantala, nakikipagtulungan ang Bureau of Immigration sa National Bureau of Investigation para mapabilis ang deportasyon ng mga dayuhang sangkot sa operasyon. Santi Celario