MANILA, Philippines – Nasawi ang dalawang manlalaro ng Ateneo de Manila University men’s basketball team matapos malunod sa isinagawang team-building activity sa Dipaculao, Aurora nitong Lunes, Hunyo 8.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rene Clert Baterbonia, 19, at Divine Adili, 21.
Sa pahayag ng Ateneo, nakiramay ito sa mga pamilya, kaibigan, kakampi at coach ng dalawang atleta.
Si Baterbonia, produkto ng Ateneo de Davao, ay naging Most Valuable Player matapos pangunahan ang Davao Region sa gintong medalya sa boys’ basketball ng 2025 Palarong Pambansa sa Ilocos Norte. Kakapasok pa lamang niya sa Ateneo at nakatakdang maglaro para sa Blue Eagles sa UAAP Season 89.
Samantala, si Adili, isang Nigerian player, ay naglaro para sa Ateneo sa UAAP Season 88.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at nangakong magbibigay ng kinakailangang tulong sa mga naulilang pamilya at sa Ateneo community.
Patuloy namang nagbibigay ng suporta ang unibersidad sa mga pamilya ng dalawang atleta at sa mga naapektuhan ng trahedya. RNT/JGC