Home METRO 30-minutong heat stroke break ibinalik ng MMDA

30-minutong heat stroke break ibinalik ng MMDA

MANILA, Philippines- Muling ipinatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 30 minutong “heat stroke break” policy para sa mga field personnel nito, partikular sa mga traffic enforcer at street sweepers, upang protektahan sila mula sa heat-related na sakit sa gitna ng epekto ng El Niño phenomenon.

Nabatid na nilagdaan ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes ang isang memorandum circular na nagbabalik sa patakarang “heat stroke break,” na magkakabisa mula Marso 15 hanggang Mayo 31, na ipatutupad araw-araw sa pamamagitan ng rotation schedule.

“We must understand the plight of these traffic enforcers and street sweepers who work under the scorching heat of the sun every day to fulfill their duties and responsibilities,” paliwanag ni Atty. Artes.

Sinabi ni Atty. Artes na ang heat stroke break ay dapat gawin ng salitan ng mga nakatalaga sa isang partikular na lugar upang mapanatili ang visibility ng mga traffic enforcer at street sweepers upang matiyak na hindi mahahadlangan ang kanilang field operations.

Nauna rito, pinangunahan ni MMDA Traffic Discipline Office Director for Enforcement Atty. Victor Nuñez, kasama ang mga miyembro ng MMDA Road Emergency Group, ang pagsasagawa ng blood pressure monitoring at pamamahagi ng malamig na tubig sa mga naka-deploy na traffic enforcers sa EDSA-Timog base upang maiwasan ang dehydration.

Sa ilalim ng heat stroke break policy, ang mga on-duty na traffic enforcer at street sweeper ay pinapayagang umalis sa kanilang mga pwesto nang palipat-lipat upang sila ay makapag-rehydrate, makasilong mula sa araw, at makapagpahinga ng 30 minuto upang maiwasan ang heat stroke.

Para sa mga traffic enforcer na nagtatrabaho mula 5 am hanggang 1 pm shift, ang itinakdang “heat stroke break” ay mula 10 am hanggang 10:30 am o 10:30 am hanggang 11 am; para sa mga nagtatrabaho mula 1 pm hanggang 9 pm shift, ang break time ay dapat sundin mula 2:30 pm hanggang 3 pm o 3 pm hanggang 3:30 pm; para sa mga nagtatrabaho mula 6 am hanggang 2 pm, ang itinakdang “heat stroke break” ay mula 11 am hanggang 11:30 am o 11:30 am hanggang 12 noon; at para sa 2 pm hanggang 10 pm shift, ang break time ay mula 3 pm hanggang 3:30 pm o 3:30 pm hanggang 4 pm.

Samantala, para sa mga street sweepers na nagtatrabaho mula 6 am hanggang 2 pm shift, ang itinakdang “heat stroke break” ay mula 11 am hanggang 11:30 am o 11:30 am hanggang 12 noon; para sa 7 am hanggang 4 pm shift naman ay maaaring magpahinga mula 12 noon hanggang 1 pm regular break time; at para sa mga nagtatrabaho mula 11 am hanggang 7 pm shift, ang break time ay dapat sundin mula 2:30 pm hanggang 3:00 pm o 3:00 pm hanggang 3:30 pm.

Ayon sa MMDA, ang mga field personnel ay maaari ding magpahinga ng karagdagang 15 minutong break time sakaling ang heat index, o ang “human discomfort index” sa Metro Manila ay umabot sa 40 degrees Celsius at pataas. JAY Reyes

Previous articleRice Tariffication Law, gustong iparebyu ni Hontiveros
Next articlePatakaran sa pagbibigay ng eligibility sa mga miyembro ng Sanggunian inamyendahan ng CSC