Home METRO 30 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Sampaloc, Manila

30 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Sampaloc, Manila

MANILA, Philippines- Nawalan ng tirahan ang 30 pamilya sa sunog na tumupok sa mga kabahayan sa kahabaan ng Jhocson Street sa Barangay 456 Sampaloc, Manila, Sabado ng umaga.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog ng alas-5:06 ng umaga sa ikalawang palapag ng residential-commercial building.

Mabilis na kumalat ang apoy dahilan para iakyat ng BFP sa ikalawang alarma ang sunog alas-5:08 ng umaga hanggang umabot sa ikatlong alarma ng alas-5:12 ng umaga.

Nakontrol lamang ang sunog makalipas ang mahigit isang oras.

Napilitan namang lumikas ang ilang mga estudyanteng nakatira sa kalapit na boarding house dahil sa lapit ng sunog sa kanilang tirahan.

Inilunsad ng BFP ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog at tinatasa ang lawak ng pinsala.

Bineberipika pa rin ang kabuuang bilang ng mga pamilyang naapektuhan, habang patuloy na nagsasagawa ng masusing pagsusuri ang BFP sa lugar.

Ang mga lokal na awtoridad ay rumesponde sa lugar upang magbigay ng maiinit na pagkain sa mga nasunugan.

Inaalam pa ng BFP ang sanhi at lawak ng pinsala ng sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden