Home NATIONWIDE 30 sasakyan sa sikat na paresan sa Pasay natikitan ng MMDA

30 sasakyan sa sikat na paresan sa Pasay natikitan ng MMDA

MANILA, Philippines – Sa makailang pagkakataon ay muling nagsagawa ng clearing operations ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) strike force sa kahabaan ng J.W. Diokno Boulevard, Pasay City Lunes ng hapon, Hunyo 3.

Partikular na tinungo ng clearing team ang pwesto ng mga paresan sa J.W. Diokno Boulevard kung saan karamihan ng kanilang naabutang sasakyan na ilegal na nakaparada sa lugar ang natikitan.

Hindi na nakapalag pa ang may-ari ng isang paresan sa lugar nang kunin ng mga tauhan ng clearing team ang kanilang mga gamit sa paninda dahil nga sa ilang ulit na silang pinagsabihan ngunit pabalik-balik lang ang mga ito sa lugar.

Ayon kay MMDA strike force OIC Gabriel Go, napilitan na silang kumpiskahin ang mga gamit sa pagtitinda ng mga ilegal na vendor dahil makailang ulit na silang napagsabihan ngunit binabalewala lamang ng mga ito ang kanilang pagbabala.

Sa halos isang oras na pagsasagawa ng operasyon ay umabot sa 30 ilegal na nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada ang natikitan habang ang iba namang nakaparadang walang driver ang hinatak ng tow truck at dinala sa impounding area sa Marikina City.

Kasabay na naikutan ng clearing team ang sikat na paresan ng Diwata Pares Overload kung saan marami ring mga nakaparadang pribadong sasakyan ang natikitan at isa na rito ang nanggaling pa ng Pampangga na si Bernard Arnante na magmamagandang loob lang sanang magbigay ng regalo na isang unit ng CCTV sa paresan.

Napag-alaman kay Arnante na magbibigay lamang sana siya ng isang unit ng CCTV kay Diwata at kakain sandali ngunit sa kasamaang palad ay natiyempuhan pa siya at nasampolan sa operasyon ng MMDA.

“Hindi ko naman ine-expect na bawal pala. Actually first time kong nag-park dito. Sabi ko mabilisan lang sana pero walang magawa eh,” ani Arnante. (James I. Catapusan)