
ISANG malawakang proyektong inilunsad ng Department of Agriculture (DA) na nagkakahalaga ng Php 27.7 bilyon para sa pagpapatayo ng 300 modular steel panel bridges sa mga lalawigang may mataas na potensyal sa agrikultura ngunit kulang sa maayos na daanan.
Tinawag itong “Farm-to-Market Bridges Development Program” (FMBDP), na inaasahang magpapabilis sa pagdadala ng mga produkto mula sa bukirin patungo sa mga pamilihan, at magbibigay ng mas maayos na kabuhayan para sa mga magsasaka at mangingisda.
Inaprubahan ng Economic Development Council na pinangungunahan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., ang programa noong Hunyo 18, 2025.
Ayon sa DA, ito ay “makabuluhang magpapahusay sa imprastrukturang rural at sa sistema ng lohistika ng sektor ng agrikultura.”
Nakatakdang simulan ang konstruksyon ng mga tulay mula taong 2026 hanggang 2029. Saklaw ng proyekto ang 52 lalawigan sa 15 rehiyon ng bansa.
Piling-pili ang mga lugar batay sa kakulangan sa akses ng mga kalsada ngunit may matatag na potensyal sa produksyon ng agrikultura.
Sabi ni DA secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., na bukod sa konektibidad, hangad ng proyektong ito na mapataas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng mas madaling pag-akses sa mga pamilihan at mas episyenteng transportasyon ng produkto.
Ang FMBDP ay magsusulong ng balanseng pag-unlad ng mga rehiyon at mapalakas ang pisikal na koneksyon ng mga komunidad sa mas malalaking merkado at sentro ng ekonomiya.
Sa kabuuang halaga ng proyekto, ang Php 22.15 bilyon ang manggagaling sa pamahalaan ng France sa pamamagitan ng official development assistance (ODA), habang ang Php 5.54 bilyon ay popondohan ng bansa.
Pagseseguro ng kalihim, titiyakin nilang ang mga mapipiling benepisyaryo ay tunay na mga magsasaka at mangingisda sa mga liblib na lugar.
Ang pagpili ng mga lokasyon ng mga tulay ay ibinatay sa balangkas na binuo ng Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering, ang sangay ng DA na tumututok sa mekanisasyon at imprastraktura ng agrikultura.