MANILA, Philippines- Ipinahayag ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa 31 foreign nationals na hinihinalang sangkot sa online scamming operations sa isang raid sa Makati City.
Iniulat ni BI intelligence division chief Fortunato Manahan, Jr. na isinagawa ang operasyon noong Lunes ng gabi sa ika-11 palapag ng isang commercial building sa kahabaan ng Ayala Avenue, kung saan natuklasan ng mga ahente ang dose-dosenang dayuhang namamahala sa mga computer workstation na sinasabing ginagamit para sa mga mapanlinlang na aktibidad na nagta-target sa mga indibidwal sa ibang bansa.
Sa 31 dayuhang naaresto, 24 ay Chinese, dalawa ay Taiwanese, tatlo ay Malaysian, at dalawa ay mula sa Myanmar.
“All were found without to be working in violation of the conditions of their stay, and have been tagged as undesirable,” anang BI.
Ang opisina ng kompanya, sa katunayan, ay nagpakita pa ng pangalan ng isang sikat na insurance firm sa pasukan nito sa pagtatangkang itago ang mga ilegal na operasyon nito sa gusali.
Nakakulong ngayon ang mga suspek sa Bureau’s Warden Facility (BIWF) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang nakabinbin ang imbestigasyon at deportation proceedings.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang mga pag-aresto ay nagpapadala ng malakas na senyales sa mga kriminal na elemento na hindi gagamitin ang Pilipinas bilang ligtas na kanlungan para sa cybercrime na pinamumunuan ng mga dayuhan. JR Reyes