Home NATIONWIDE 32 illegal POGO workers, arestado ng BI

32 illegal POGO workers, arestado ng BI

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na kasalukuyang isinasailalim na sa proseso ng deportasyon ang nasa 32 dayuhan na naaresto sa panibagong pagsalakay kung saan natagpuang nagtatrabaho ang mga ito sa lihim na operasyon ng POGO.

Iniulat ni BI intelligence division chief Fortunato Manahan Jr. na ang mga naarestong dayuhan ay napag-alamang nagtatrabaho sa online gaming at scamming operations sa isang gusali sa Aseana enclave sa Parañaque City kung saan nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad nitong gabi ng Enero 17.

Inaresto ng BI ang 20 Chinese, 11 Malaysians, at 1 Cambodian matapos mamonitor ng mga operatiba ang mga ilegal na aktibidad, kabilang ang mga love scam, sa kanilang gusali.

Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga operasyon, at sinabing magpapatuloy ang kanilang pinaigting na kampanya laban sa mga ilegal na POGO.

“Let this be a warning to foreign nationals who blatantly continue illegal operations despite the ban of the President,” ani Viado. “We will not stop until all illegal aliens are arrested and deported,” babala pa ng BI chief.

Sinabi ng BI na asahan pa ang higit pang pag-aresto at pagpapatapon, kasunod ng pagbabawal ng Pangulo sa operasyon ng POGO sa buong bansa.

Nabatid na ang mga inarestong dayuhan ay mananatili sa kustodiya ng NBI. JR Reyes