MANILA, Philippines — Nanawagan si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa 33,140 na bagong-promote na pulis na panatilihin ang pinakamataas na antas ng katapatan, kasanayan, at dedikasyon sa pagsisilbi sa publiko.
Sa isinagawang sabay-sabay na panunumpa at paggagawad ng ranggo sa Camp Crame, binigyang-diin ni Marbil na ang promosyon ay hindi lamang tungkol sa pagdaragdag ng bituin o stripe sa kanilang uniporme, kundi isang pagkilala sa kanilang sipag at sakripisyo sa pagpapatupad ng batas.
“Ang taumbayan ay umaasa sa atin bilang tagapangalaga ng kapayapaan, tagapagtanggol ng hustisya, at tagapagpatupad ng batas. Patunayan natin ang ating dedikasyon at palakasin ang tiwala ng publiko sa PNP,” ani Marbil.
Sa 33,140 na napromote, 1,564 ay nakatalaga sa PNP national headquarters, habang ang iba naman ay nanumpa sa kani-kanilang regional at provincial police units sa buong bansa.
Pinuri rin ni PRO3 (Central Luzon) Regional Director Brig. Gen. Jean Fajardo, na siya ring tagapagsalita ng PNP, ang mga bagong-promote na pulis at hinimok silang manatiling propesyonal at tapat sa kanilang tungkulin.
Ang promosyon ay bahagi ng regular na promotion cycle ng PNP para sa 2024, na naglalayong kilalanin ang natatanging serbisyo ng mga alagad ng batas na nagsusulong ng kapayapaan at kaayusan sa bansa. (Santi Celario)