Home NATIONWIDE PH HIV prevention efforts sapul ng US aid freeze; 550K Pinoy damay

PH HIV prevention efforts sapul ng US aid freeze; 550K Pinoy damay

MANILA, Philippines — Mahigit 550,000 Pilipino ang maaaring maapektuhan ng freeze order ng gobyerno ng Estados Unidos sa foreign aid, kabilang ang mahahalagang programa laban sa HIV, ayon kay UNAIDS Philippines country director Louie Ocampo.

Ang Pilipinas ay kabilang sa 55 bansang tumatanggap ng suporta mula sa US President’s Emergency Plan for AIDS Relief (PEPFAR), ngunit ang freeze order ni Pangulong Donald Trump ay maaaring makagambala sa mga serbisyong pangkalusugan sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Western Visayas, at Central Visayas.

Ayon kay Ocampo, kung hindi aakuin ng gobyerno ng Pilipinas ang pondo, posibleng matigil ang operasyon ng maraming community-led organizations at ahensyang pangkalusugan, na magdudulot ng pagkawala ng trabaho at pagkasira ng mga safe spaces para sa mga grupong pinaka-apektado, kabilang ang transgender individuals, drug users, at kalalakihang nakikipagtalik sa kapwa lalaki.

Dagdag niya, maaaring bumilis ang hawaan ng HIV, tumaas ang bilang ng mga kaso, at dumami ang mamamatay sa AIDS dahil sa kakulangan ng diagnosis at paggamot.

Batay sa datos ng UNAIDS noong 2023, may 189,900 Pilipino na may HIV, may 26,700 bagong kaso kada taon, at 1,700 ang namatay sa AIDS. Ang DOH ay may co-financing plan (2024-2026) na nangangailangan ng P45.6 bilyon, ngunit may P22.4 bilyon pang kulang.

Tiniyak naman ni DOH Secretary Ted Herbosa na hindi maaapektuhan ang serbisyong pangkalusugan, dahil nakikipagnegosasyon ang kagawaran sa ibang bansa upang mapunan ang kakulangan sa pondo.

Samantala, sinabi ng HIV advocacy group na LoveYourself na magpapatuloy ang kanilang HIV testing at treatment services, ngunit maaaring maapektuhan ang mga libreng pre-exposure prophylaxis (PrEP), self-testing kits, at kampanya sa HIV awareness dahil sa pagbawas ng pondo.