MANILA, Philippines — Umabot na sa 334 Comprehensive Land Use Plans (CLUPs) ang naaprubahan at na-update mula kalagitnaan ng 2022 hanggang Disyembre 2025 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Mas mataas ito kumpara sa 238 aprubadong CLUPs sa kaparehong midterm period ng nakaraang administrasyon.
Sa antas-probinsiya, 25 Provincial Development and Physical Framework Plans (PDPFPs) ang naaprubahan hanggang Disyembre 2025, limang beses na mas marami kaysa limang PDPFPs na naaprubahan noon sa parehong panahon.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, patunay ito ng pinaigting na pagpapatupad ng risk-informed at data-driven land use planning sa pamamagitan ng PLANADO (Plan & Do) Program ng ahensya.
Dagdag ni DHSUD Senior Undersecretary Henry Yap, hindi lamang bilang ang mahalaga kundi ang epekto nito sa kaligtasan ng mga komunidad.
“Each approved CLUP is a concrete step toward ensuring safer and more resilient communities,” ani Yap.
Sa ilalim ng Department Order No. 2026-011, isinulong ng DHSUD ang CLUP Acceleration and Modernization Initiative na may target na 100% risk-informed at data-driven CLUPs pagsapit ng 2028.
Mula nang ilabas ang CLUP guidelines noong 2014, 967 pa lamang sa 1,515 lokal na pamahalaan o 64% ang may risk-informed plans hanggang Enero 2026.
Ayon sa DHSUD, mahalaga ang updated CLUPs upang matukoy ng mga LGU ang danger zones, maprotektahan ang agricultural lands, at matiyak na ang pabahay, imprastraktura, paaralan, ospital at evacuation centers ay nasa ligtas na lokasyon.
Layunin ng ahensya na masiguro ang climate-responsive at people-centered land use plans para sa mas matatag at ligtas na pamayanan. RNT/JGC