Home NATIONWIDE Cabagan–Sta. Maria Bridge sa Isabela, binuksan na

Cabagan–Sta. Maria Bridge sa Isabela, binuksan na

152
0

CABAGAN, Isabela – Pinangunahan ni DPWH Sec. Vince Dizon kasama si Regional Director Engr. Mathias Malenab ng DPWH Region 2 at iba pang opisyal ng pamahalaan matapos muling buksan sa mga motorista ang kontrobersyal na Cabagan-Sta Maria bridge kaninang umaga.

Isinaayos ang tulay sa loob ng 60 araw alinsunod sa kautusan ni Sec. Dizon at bilang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kasama sa pagsasaayos ang paglalagay ng steel bridge connector sa bahagi ng Span No. 3 na naunang gumuho at asphalt overlay sa connection joint ng connector bridge sa pagitan ng mga span upang matiyak ang maayos na transisyon at ligtas na pagdaan ng mga sasakyan.

Ayon kay DPWH Sec. Dizon, nagkakaisa ang buong gobyerno upang maisaayos ang mga proyekto sa kalsada at tulay. Layunin nitong hindi na maging patchwork ang mga gawain, kundi magkaroon ng permanenteng solusyon na pangmatagalan.

May nakapwesto ring mga traffic cone upang magsilbing gabay sa mga sasakyan sa center lane ng one-way arch bridge.

Naglagay rin ng dalawang vertical clearance barrier na may taas na 2.4 metro bilang height limit ng mga sasakyang papayagang dumaan.

Kung saan ay papayagan lamang ang mga sasakyang may maximum gross weight na tatlong tonelada.

Magkakaroon din ng 24/7 traffic management sa tulay upang masiguro ang mahigpit na pagpapatupad ng mga itinakdang safety measures at masigurong walang sasakyang makalulusot na lalabag sa mga ito.

Matatandaan na gumuho ang bahagi ng tulay, wala pang isang buwan matapos pahintulutang gamitin sa publiko noong Pebrero 27, 2025 kung saan apat (4) na sasakyan ang nadamay kabilang ang isang (1) dump truck, dalawang (2) SUV at isang (1) motorsiklo.

Ang Cabagan-Sta. Maria Bridge ay may habang 720 meters na sinimulang itayo noong taong 2017 na binigyan ng pondong mahigit 1.2 bilyon pesos bukod pa sa 274 milyon pesos para sa retrofitting bago buksan sa publiko. REY VELASCO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here